top of page

BIGAS, HINDI BALA: Ayuda, karapatan at katarungan para sa mga magsasaka

 

Kaming mga artista, manunulat, manggagawang pangkultura, propesyunal sa midya at mga indibidwal mula sa iba’t ibang malikhaing disiplina, ay nagkakaisa sa pagtuligsa sa marahas na dispersal na isinagawa ng estado laban sa gutom na mga magsasaka at lumad sa Kidapawan City, North Cotabato nitong Abril 1, 2016. Dala-dala namin ang makapangyarihang panawagang BIGAS, HINDI BALA – habang kami’y naninindigan para sa ating mga magsasaka. 

 

Malinaw ang mga panawagan ng mga magsasaka: pagkain sa harap ng mapaminsalang tagtuyot na dala ng El Niño. Matagal na silang nagdurusa: pasan-pasan nila ang pagkalugi sa nasirang mga pananim, kagutuman, at utang. Tama lang na sila’y nagkaisa at nagprotesta: may “state of calamity” pero bigo ang gobyerno na magbigay ng kongkretong tulong para sa nakararaming biktima.

 

Nitong Marso 30, mga 6,000 magsasaka mula sa mga bayan ng Makilala, Mlang, Tulunan, Magpet, Roxas, Antipas, Arakan, at Kidapawan ang nagsagawa ng barikada sa Cotabato-Davao highway sa Kidapawan City upang humiling ng 15,000 kaban ng bigas. Tumanggi ang gobyerno na agad tugunan ang kahilingang ito.

 

Sa halip, nitong Abril 1, ang mga nagpoprotestang magsasaka ay marahas na itinaboy ng mga pulis gamit ang mga bumbero at bala. Dalawa ang patay at napakaraming sugatan. Ang mga nakaligtas na nagkanlong sa kalapit na simbahan ay patuloy na tinugis ng estado. Mahigit 80 katao ang inaresto, kasama rito ang ilang buntis, senior citizen, manggagawang pangkalusugan, at pati na ang mga magsasakang nagtamo ng tama ng bala. Ang mga magsasaka ay patuloy na binubusabos bawat araw hangga’t sa hindi pa tuluyang ibinabasura ang mga gawa-gawang kaso na isinampa laban sa kanila, at hangga’t sa hindi pa napananagot sa hustisya ang mga may-sala.  

 

Ang mga magsasaka ay humiling ng bigas; ngunit pinabayaan silang magutom. Mali na ang mga taong lumilikha ng pagkain para sa buong bayan ay nagugutom, walang sariling lupang mabubungkal, at lantad sa pagdarahop, mga sakuna at kalamidad na sanhi ng pagbabago ng klima. Nananawagan kami para sa kagyat na ayuda para sa mga magsasaka ng North Cotabato at iba pang rehiyon na apektado ng tagtuyot, gayundin para sa pangmatagalang lunas upang maiangat ang kabuhayan ng ating mga magsasaka.

 

Ang mga magsasaka ay humiling ng bigas; sa halip, sila’y isinantabi at marahas na itinaboy. Tinutuligsa namin ang mga aksyong ito ng gobyerno bilang seryosong paglabag sa ating mga kalayaang sibil, at tuwirang pagyurak sa karapatan sa partisipasyong publiko at kalayaan sa pagpapahayag.

 

Kami ngayon ay nanawagan para sa hustisya sa mga pinaslang, nasaktan, nawawala at iligal na inaresto. Dapat managot ang mga nasa kapangyarihan.

 

Ang mga magsasaka ay humiling ng bigas; ang isinukli sa kanila ay bala. Ang insidenteng ito ay hindi natatangi, dahil ang ating kasaysayan ay saksi sa tindi ng karahasan ng estado laban sa mga magsasaka. Balikan natin ang pagdanak ng dugo sa Sag-od, Northern Samar (1981); Escalante, Negros Occidental (1985); Mendiola, Maynila (1987); at Hacienda Luisita, Tarlac (2004).

 

Kami ngayon ay nagkakaisa upang makamit ang katarungang panlipunan sa mas malawak na saklaw; para sa isang kaayusan kung saan ang mga magsasaka at masang anakpawis ay tinatrato hindi bilang mga kaaway ng estado, o bilang murang lakas-paggawa na pinagsasamantalahan at binabalewala, kundi bilang mga sektor na esensyal para sa tunay na kaunlaran at sa patuloy nating pag-iral bilang isang bayan.  

 

Ngayon ay patuloy na nagbabangon ang mga magsasaka sa iba pang mga lugar na apektado ng kalamidad – sa Koronadal, Davao, Pagadian, Malaybalay, Cagayan de Oro, at sa marami pang ibang “Kidapawan” hangga’t hindi natutugunan ng gobyerno ang kanilang kahilingan para sa ayuda, karapatan at katarungan.

 

Bilang mga artista, hindi namin matitiis na magsawalang-kibo na lang habang nagaganap ang mga trahedya na gaya ng Kidapawan. Nagsisikap kami ngayon na isanib ang aming kolektibong galit at malikhaing enerhiya sa pwersa ng mga magsasaka ng Kidapawan at ng sambayanang Pilipinong gutom sa katarungan.

 

Bigas, hindi bala! Ayuda, karapatan at katarungan para sa mga magsasaka, ngayon na!

bottom of page